Kapana-panabik na Byanda: K2 Ramyeon


Kapana-panabik na Byanda: K2 Ramyeon.

ni Patricia Allen Kate A. Lacaba



Hindi maikakaila ang tumataas na pagtangkilik at pagkonsumo nating mga pinoy sa iba't-ibang uri ng mga media, mapaibang bansa man ang pinanggalingan. Tunay ngang tayo'y naimpluwensiyahan na ng kanilang kultura sapagkat nagagawa na nga nating subukan ang mga pagkaing nakikita natin mula sa ating mga pinapanood. 


At paniguradong ito rin ang dahilan sa likod ng paglaganap ng samut-saring mga negosyong nakasentro sa pag-alok ng pagkain ng mga dayuhan.


Kabilang na rito ang isang kainang patok sa masa na  siyang dinadayo ng karamihan mapabata man o mapamatanda. Isang tanyag na ‘ramen shop’ sa Loma, ang “K2 Ramyeon”. Sila'y matatagpian sa bayan ng Marilao at kamakailan lang din nang unang magsimula ang kanilang pagnenegosyo. 


Bagama't limitado ang espasyong nasasakupan nito, tiyak na matutuwa ka sa kayang ihandog ng kanilang munting tindahan.


Simulan natin ang komentaryo sa pagkakadisenyo ng kanilang interiyor. Masasabi kong ito'y tunay na nakamamangha. Simple lamang, hindi labis na sopistikado ngunit masasabi mo ring ito'y hindi tinipid. Marilag ang paleta ng mga kulay, kaaya-aya at magaan sa paningin, kaswal ang dating. Maidagdag ko pa ang serbisyong inihahatid ng kanilang mga tauhan sapagkat sila'y tunay na nakahahanga. Magalang at matiyaga.

Dumako naman tayo sa putaheng kanilang inihahain. Una sa lahat, kung ikaw ay may labis na kahiligan sa ‘noodles’ o sabaw siguradong ang kainan na ’to ay para sa iyo. Pagpasok mo ay agad na bubungad sayo ang salansanang naglaladlad ng hanay para sa sari-saring uri ng mga ‘noodles’ o ‘ramyeon’ na gawa pa sa bansang Korea.

Bukod pa dito, mayroong bahagi ang kanilang istante na nakalaan lamang para sa mga sahog na pu-pwedeng pagpilian. 

Paalala nga lamang, ang mga sahog na ito ay may kani-kaniyang presyo. At kung maidadagdag ko pa, ipagmabuti mo lamang na basahin muna ang pakete upang makasigurado na ang pinili mong ‘noodles’ ay katamtaman lamang ang anghang pagkat ang mga ‘ramyeon’ mula sa Korea ay tanyag sa kakaibang taglay nitong kahanghangan. (Pagkatiwalaan mo ko pagkat nangyari na sa akin 'to.)

May inaalok din silang iba't-ibang klase ng panghimagas tulad na lamang ng mga ice cream at apa na nakahanda na at nakalagay sa isang lalagyanan. Marami rin silang inumin na maaring pagpilian at sa aking pagkakatanda, mukhang hango pa ito sa Korea. Ang hanay naman nito ay napupuno ng mga nakahandang lalagyanan na naglalaman ng yelo, pipili ka na lamang ng inuming nakasinop sa isang pakete.

Matapos mong makapagdesisyon, maaari ka nang magpatuloy sa kanilang ’self-service station’ kung saan ikaw ang maghahanda ng iyong sariling pagkain. Makikita ang hilera ng mga ‘dispenser’ ng tubig kung saan nagaganap ang pagluto ng iyong pagkain. Kung lingid pa ang proseso sa iyong kaalaman, huwag kang mag-alinlangan pagkat mayroon namang gabay ang mga empleyado sa mga para sa mga bagong dating na itinuro rin sa amin nang aming unang subukin.

Malinamnam naman ang ‘ramyeon’ na aking napili gayunpama't hindi ko pa natitikman ang ibang ‘ramyeon’ ako'y natatakam pa rin. Kaya't paniguradong ako'y babalik at babalik.

(Buldak Cream Carbonara)

Kung ako ang tatanungin, ito'y lubos na katuwa-tuwang karanasan na aking ganap na mairerekomenda sa mga hindi pa nakakasubok sa ganitong mga tipong restawran. 






Subukan mo na ang nakatatakam na samut-saring putahe inihahain ng K2 Ramyeon!


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kubling Paraiso: Sual, Pangasinan

Lupa ng Kapayapaan: Luneta Park

Iloba Resort: Tabuk city, Kalinga