Lupa ng Kapayapaan: Luneta Park

 

Lupa ng kapayapaan: Luneta Park

ni Christian James A. Valdez

    

            Huni ng mga ibon. Palaspas ng mga puno. Halakhak at daldalan ng mga tao. Ganito ang mapayapang awit na bumabalot sa akin habang tinatahak ang mga pintong nagbubukas sa Lupa ng Kapayapaan, isang pook na nagbibigay-buhay sa puso ng Maynila Luneta Park.


    Ang aming paglalakbay ay aming sinimulan habang sumisiklab ang mainit na liwanag ng araw. Tila mga apoy na sumasayaw kasabay ng maindayog na hangin ang nararamdaman ko sa daan habang kami ay bumabyahe. Umaapaw ang galak sa aking puso bilang unang beses ko palang mapupunta sa parke na naging saksi sa mga pahayag ng kasaysayan at kultura ng Pilipinas— ang Luneta Park sa Maynila. Matapos ang masayang mahigit isang oras na biyahe mula sa aming tahanan sa Meycauayan, nagtagumpay kaming makarating sa puso ng Lungsod ng Maynila.

        Ipinakikita ng bawat bandila at monumento ang yaman ng nakaraan, at ang aming paglakad ay parang paglalakbay sa mga pahina ng kasaysayan. Hindi ito tulad ng ibang kilalang parke at pook pasyalan, tulad ng mga kilalang mall o modernong atraksyon, ngunit dito'y nararamdaman ang diwa ng payapa at kalayaan. 


    Pagdating namin sa Luneta Park, sinalubong agad kami ng malakas na ihip ng mga hangin na tila pinapakilala at pinapakita ang malawak na tanawin ng parke. Kada lingon mo sa paligid ay talagang malulunod ka sa ganda ng bawat sulok ng lugar na ito. Isa sa dahilan kung bakit kami pumunta rito upang mag shoot ng isang video para sa lalabanan naming patimpalak. Aming naisipan na mas maibabahagi namin ang pagiging Pilipino kung sa isa sa mga katangi-tanging lugar sa Pilipinas namin ito gagawin  ang Luneta Park.

Libre ang pamamasyal sa parke, ngunit kung nais ninyong kumuha ng video, kailangan ni'yo munang humingi ng permit sa Punong Namamahala ng Parke. Inabot kami ng kalahating oras para dito ngunit sulit naman.

Note: Kung normal na videos lang, kahit walang permit ay magagawa ninyo ito. 


    Sinimulan namin ang aming paglilibot sa Luneta Park sa bahagdan ng Carabao Sculpture. Dito mo makikita ang kabuuan ng Luneta Park sapagkat nasa harapan lamang nito iyon. Masisilayan mo dito kung paano mag saya ang mga tao, mamangha, at mahulog ang damdamin sa ganda ng tanawin. Dito namin isinagawa ang unang bahagi ng aming proyekto, at di nga kami nagkamali sa lugar na aming napili. Walang makakatalo sa ganda mo, Luneta.

Note: Mataas ang presyo ng mga bilihin sa paligid kumpara sa iyong nakagisnan, ngunit di ka naman magsisisi na binili mo ito dahil sulit naman. Kaya konting paalala lang sa mga nagbabalak pumasyal dito.


    Isa sa mga personal na nais kong makita ay ang pag sapit ng dapit-hapon sa lugar at kalangitan. Talagang madadama mo ang nag-iinit na mga sinag ng araw sa iyong balat.  Lalo na ang kulay ng kalangitan nito. Tila naglalaro sa mga ulap ang iba't ibang kulay na pinangungunahan ng Pula, Kahel, at Dilaw kasama ang iba pang mga kaibigan nito. Mga huni ng ibon na tila kanta sa iyong tenga na makakapag-padama sa'yo ng kapayapaan. At mas mabibigyan mo ng pansin sa mga oras na ito ang mga puno at taniman ng bulaklak na mas nagbibigay buhay sa tanawin. Ang malaking lagoon na pinapaligiran ng mga niyog ay nag-aalok ng lihim sa pook ng kapayapaan.




    Ang mga tanawin na siyang lihim na kaakit-akit sa araw, ay lalong yumayaman at bumabalot sa sarili ng misteryo pagdating ng gabi. Ang nakakubling ganda ng lugar ay lumilitaw ng mas mabanggit at mas makulay sa ilalim ng kumikislap na ilaw. Ang mga ilaw sa paligid  ay naglalaro ng kanilang mahiwagang lihim, lumilikha ng romantikong tanawin na animo'y kuwento ng pag-ibig.

    Ang malawak na espasyo ay nagiging mas kaakit-akit dahil sa kislap ng mga ilaw na nagbigay-buhay sa bawat sulok ng Luneta Park. Ang tila'y tagpo ng mga bituin sa kalangitan ay nag-aambag ng romansa sa gabi, habang ang malambing na simoy ng hangin ay nagdadala ng mga kwento ng mga nakaraang panahon.





    At sa mga huling oras namin sa parke, aking napansin sa dilim ng gabi, mas nadarama ang kaharian ng kapayapaan sa Luneta Park. Ang katahimikan at lihim na nag-aambon ay nagbibigay-daan sa mga pagmumuni-muni at tamis ng mga pag-uusap. Ang paglalakad sa kalsada ng mga bituin ay tila paglalakbay sa isang enchanting na mundo na puno ng mga sikreto at pangarap.

    Ang Kumikislap na mga ilaw sa poste ay nag dadala ng bagong anyo sa kapaligiran. Ang dating nagtatago ngayon ay lumulutang sa mga silong ng gabi, lalong nagbibigay-diin sa ganda at misteryo ng Luneta Park. Ang mga estatwa at monumento, na parang nagiging buhay sa ilalim ng ilaw ng buwan, ay nagiging saksi sa mga kwento ng pag-ibig at pag-asa.



Bago ako lumisan sa parke, kung nais mong makaramdam ng pahinga at kapayapaan, ang Puso ng Maynila, Luneta Park ang nararapat mong puntahan! Sa sandaling panahon ay naipadama nito saakin ang kapayapaan na tila sinususian ang kadena mula sa hirap at balakid na hatid ng iyong kapaligirang kinagisnan. Kaya't inaaya kitang damhin at pagmasdan ang ganda ng lugar na aking tinatawag na "Lupa ng Kapayapaan", Luneta Park!!






Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kubling Paraiso: Sual, Pangasinan

Iloba Resort: Tabuk city, Kalinga