Kubling Paraiso: Sual, Pangasinan
Kubling Paraiso: Sual, Pangasinan
Mula sa paglalakbay ni Mykaella Aubrey Macalipas
Banayad na ihip ng hangin. Kalmadong mga alon. Nagtatagpo ang mga ito sa pinong buhangin ng dalampasigan — Ganito ang marahuyong salubong na naipadama sa aking paglalakbay patungo sa Sual, isang natatagong perlas sa baybayin ng Pangasinan.
Nagsimula ang aming byahe bago pa sumapit ang bukang-liwayway. Tanging banaag lamang mula sa sinag ng buwan nang magsimula ang naging byahe. Kasama ang aking pamilya, kami ay puno ng pananabik na nagtungo sa nakukubling tila paraisong dalampasigan (beach) ng Sual. Tumagal ng halos anim na oras mula sa Bulacan bago masapit ang bayan ng Pangasinan. Hindi ito katulad ng mga sikat na dagat at pasyalan sa naturang lugar katulad na lamang ng kilalang Hundred Islands o ang White-sand beach na ipinagmamalaki ng bayan ng Patar, Bolinao na kung saan ay dinudumog ng napakaraming mga turista. Ito ang kinaganda ng lugar na ito— Panatag, Payapa, Santuwaryo.
Pagdating sa Sual, agad kaming sinalubong ng malinis na hangin at maalat na simoy ng karagatan. May kaputian ang buhangin nito. Sa unang pag tampisaw ng paa sa dagat, nagpukaw agad ito sa akin ng labis na mangha at tuwa dahil sa tamang timpla ng tubig nito, hindi ganoon kalamig sapagka’t tirik pa ang araw ng mga oras na iyon. Dagdag pa ang nakabubuhay at nakaaantig damdamin na ganda ng lugar. Sa aming pananatili dito sa loob ng dalawang araw at isang gabi, napili naming pansamantalang paglagian ay isang bahay na may dalawang palapag. Sa halagang Php. 18,600 ay suwakto na ito kung kayo ay kasing dami ng aking pamilya (mahigit kumulang 35 na katao) at nagnanais na makatipid o makamura ngunit maganda pa rin ang inaasahang maging karanasan sa paglalagian.
Note: Ang buhangin nito ay hindi kasing puti ng buhangin na mayroon sa sikat na white-sand beach sa Patar, Bolinao.
Sa unang palapag ng bahay na ito, mayroong kusina na may kumpletong kagamitan, palikuran, isang kuwarto na may dalawang double-deck na kama, at may terrace sa labas na maaring tambayan. Sa ikalawa naman, may limang double-deck na kama, palikuran, at isang veranda na bubungad ang magandang karagatan ng Sual. Kay sarap gumising na ganito karilag ang bubungad na tanawin habang nilalasap ang mabangong aroma at ninanamnam ang mainit na kape sa umaga.
Note: Ang pagrenta sa bahay ay walang kasamang umagahan o kahit ano lutong pagkain na karaniwan na isinisilbi sa mga hotel. Kung kaya sa pagpunta rito, ipinapaalala na nakahanda ang lahat ng lulutuin at kakainin, sapagka’t kayo mismo ang magluluto nito. Dagdag pa, malayo ang lugar sa palengke o kahit saang bilihan dahil ito nga ay tagong lugar.
Sa pagsapit ng hapon, isa sa pinaka-inaabangan ay ang paglubog ng araw sa karagatan. Ginintuan ang kulay nito at kay gandang pagmasdan habang nagsasalimisim o nagmumuni-muni bago ito daigin ng kadiliman. Ito na rin siguro ang isa sa aking paboritong nasaksihan sa aking paglalakbay. Hindi ko maisatitik kung gaano ang labis kong pagkabighani sa kulay ng kalangitan dahil sa tila pag-iisa ng langit at karagatan bago sumapit ang takipsilim.
Ang pagdatal ng gabi, naghihintay ang mainit na ningas ng apoy mula sa bonfire na naka-abang sa tabi ng dalampasigan. Bukod sa paglubog ng araw, isa pa ito sa hindi malilimutang memorya. Pumalibot ang aking pamilya rito at amin namang pinakinggan at pinanood sa harapan ang bawat hampas ng alon mula sa dagat. Ang init nito at lamig na nanggagaling sa simoy ng hangin kapwa’y pinakalma ang aking isipan.
Sa mga huling sandali na aming inilagi rito, isa lamang ang aking napagtanto. Kung ikaw ay nagnanais na makaramdam ng kapayapaan at pahinga, ang Sual, Pangasinan ang kasukdulang maari mong puntahan. Sa aking paglalakbay dito, hindi lamang tuwa ang aking nadama kundi tunay na pahinga mula sa nakapapagod na mundo. Inaanyayahan kita, Kaibigan; tara na sa natatagong perlas ng Pangasinan! 🙌
Narito ang maikling bidyo ng aking paglalakbay sa Sual!
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento